-- Advertisements --

Unang papayagang makabalik sa pasada ang mga UV Express units sa susunod na linggo bago ang mga traditional jeepneys, ayon kay Land Transportation, Franchising and Regulatory (LTFRB) Chairman Martin Delgra.

Pahayag ito ni Delgra isang araw matapos na sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa pagbalik ng mga traditional jeepneys sa mga kalsada sa Metro Manila.

Ayon kay Delgra, sa Lunes na magsisimula ang pagbabalik sa operasyon ng mga UV Express na papasada sa 30 ruta.

Sa kaparehas na linggo rin aniya papahintulutang makabalik pasada ang mga traditional jeepneys alinsunod na rin sa polisiya ng Department of Transportation (DOTr).

Inaayos pa kasi nila ang mga ruta na dadaanan ng mga traditional jeepney.

Mababatid na simula Hunyo 1 ay nakapagbiyahe na ang mga bus at modern public utility vehicles, base na rin sa hierarchy na itinakda ng pamahalaan.