LEGAZPI CITY- Nagpaabot ng P1.86 million halaga ng education materials ang United States Agency for International Development (USAID) sa ilang mga paaralan sa lalawigan ng Albay sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education.
Partikular na pinaabutan ng naturang educational materials ang nasa 6,000 na mga estudyante at 200 na mga guro mula sa lungsod ng Tabaco at bayan ng Malilipot na apektado ng patuloy na pag-aalbruto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, partikular na tinutukan ng USAID ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 na itinuturing ngayon bilang displaced learners.
Maging ang mga guro sa mga paaralan na kumupkop sa mga displaced learners ay nabigyan rin ng teacher kits.
Ayon sa alkalde, malaking tulong ang mga ito lalo na at magkakaroon ng summer reading camp ang mga estudyante sa pagtatapos ng School Year 2022-2023.
Inaasahan na magtutungo pa sa ibang mga bayan ang mga kinatawan ng United States Agency for International Development para sa karagdagang tulong sa mga estudyante.