Nanawagan ang isang ranking member ng US Senate Foreign Relations Committee sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magkaisa laban sa umano’y patuloy na panggigipit at pangingialam ng China.
Ayon kay US Sen. Jim Risch, dapat ay magkaisa ang mga ASEAN members na labanan ang aniya’y pakikialam ng China sa kanilang domestic affairs.
Kasama na rin dito aniya ang ‘coercive economic practices’ ng China, walang basehang territorial claims, at ang umano’y pagnanais ng China na mapaghiwa-hiwalay ang mga miyembro ng ASEAN laban sa kanilang pagkakaisa.
Ayon sa Senador, ang pagkakaisa at pagnanais ng mga ASEAN claimants, lalo na ang Pilipinas, na itulak ang China mula sa mga panggigipit ng China sa West Phil Sea ay napakahalaga sa kabuuang estado ng naturang karagatan.
Tinukoy din ng Senador ang mahigpit na security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at US upang ma-kompronta ang China sa ginagawa nito sa WPS.
Ayon kay Sen. Risch, mahalaga na magkaroon ng maayos na ugnayan at kooperasyon ang mga ASEAN countries upang maipakita nila sa China na hindi sila pabor sa ginagawa ng naturang bansa sa WPS.
Iginiit nito ang pangangailangang magkaroon ng mas malawak na maritime patrols at joint patrols, kasama na ang economic development sa mga exclusive economic zones ng bawat bansa.