Kaagad daw lalapit si Democratic nominee Joe Biden sa mga kaalyadong bansa ng Estados Unidos upang magdesisyon sa magiging hinaharap ng ipinataw na taripa ng bansa laban sa China.
Ayon sa dalawang aides ni Biden, sa oras na ito ang manalo sa nalalapit na eleksyon sa susunod na lingo ay gagawin nitong prayoridad ang pagkalap ng opinyon upang mas mapalakas pa ang kaniyang mga hakbang laban sa Beijing.
Iniiwasan daw kasi ng dating bise-presidente ng Amerika ang pagkakamali na ginawa ng administrasyon ni President Donald Trump kung saan kaagad nitong sinampal ng taripa ang mga produkto na mula sa Europa at Canada.
Paliwanag ni Trump, ginawa niya ito bilang parte ng kaniyang isinusulong na “America First” agenda.
Tumanggi naman ang mga ito na sabihin kung binabalak ng Democratic presidential candidate na tanggalin ang taripa laban sa China na siyang ginamit ni Trump upang mas lumala pa ang trade war sa pagitan ng tinaguriang “world’s two biggest economies.”
Una rito ay pinagtawanan ni Biden ang mga impormasyon na nagsasabing maganda ang ginawa ni Trump laban sa China.










