Pansamantalang inalis ng U.S. ang ilang sanctions nito para sa produktong petrolyo ng Iran upang makatulong sa suplay ng energy markets sa gitna ng patuloy na lumalalang labanan sa Middle East.
Ayon kay U.S. Treasury Secretary Scott Bessent, pinayagan ang limitadong pagbebenta ng langis ng Iran na kasalukuyang nakaimbak sa mga barko nito sa rehiyon.
Ang naturang pahintulot ay pansamantala lamang at tatagal hanggang Abril 19, 2026.
Layunin din nitong madagdagan ang suplay ng langis sa mundo, kung saan tinatayang aabot sa 140 milyong bariles ang maaaring maibenta.
Sa kasalukuyan, mataas ang presyo ng langis, kung saan ang Brent crude ay nasa humigit-kumulang $112 kada bariles na.
Gayunpaman, may mga eksperto na nagsabing maaaring limitado lamang ang epekto nito sa pagbaba ng presyo.
May pangamba rin na ang kikitain mula sa pagbebenta ng langis ay mapunta sa gobyerno ng Iran at magagamit lamang umano sa kanilang operasyon para sa digmaan.
Bago ang naturang alitan, pangunahing bumibili ng murang langis mula Iran ang China, ngunit inaasahan ng Estados Unidos na sa bagong polisiya ay mapupunta ang suplay sa iba pang bansa tulad ng India, Japan, at Malaysia.
Sa kabila ng desisyong ito ng Amerika patuloy pa ring naapektuhan ang pandaigdigang suplay ng langis dahil sa kaguluhan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng oil supply sa mundo.
Sa kabuuan, bagama’t sinusubukan ng U.S. na mapababa ang presyo ng langis, nananatiling hindi tiyak ang magiging epekto nito sa pandaigdigang pamilihan.
















