-- Advertisements --

Ligtas na nakatawid ang Indian-flagged tanker na may kargang liquefied petroleum gas (LPG) sa Strait of Hormuz, ayon sa pamahalaan ng India noong Sabado, Abril 4, 2026.

Ang tanker na Green Sanvi ay may dalang humigit-kumulang 46,650 metric tons ng LPG at may sakay na 25 seafarers nang makatawid sa naturang ruta.

Ang Strait of Hormuz ay isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng langis at gas, ngunit naapektuhan ang daloy ng maritime traffic matapos ang mga air strike ng US at Israel laban sa Iran.

Sa kabila nito, sinabi ng pamahalaan ng India na nakaseguro sila ng ligtas na pagdaan para sa ilang Indian-flagged vessels sa nakalipas na tatlong linggo.

Ayon sa shipping ministry, may 17 Indian-flagged ships na may sakay na 460 Indian seafarers ang nananatili sa western Persian Gulf region.

Batay naman sa ulat ng local radio sa India, ang Green Sanvi na ang ikapitong LPG tanker na patungong India na nakatawid sa Strait of Hormuz mula nang magsimula ang digmaan sa Middle East.

Umaangkat ang India ng halos 60 porsyento ng kanilang LPG supply, at kasalukuyang nahaharap sa kakulangan ng gas sa nakaraang buwan dahil sa mga pagkaantala sa importasyon.

Dahil dito, nagpatupad ang pamahalaan ng mas mahigpit na kontrol sa distribusyon ng natural at cooking gas, kung saan binibigyang prayoridad ang mga kabahayan at nililimitahan ang supply para sa industrial use.

Sa kabila ng tensyon, pinananatili ng India ang ugnayan nito sa Iran, habang patuloy ding pinapalawak ang kooperasyon nito sa Israel.