Nagpahayag ng interes ang Amerika na magtayo lima pang pasilidad sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito ang kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro.
Kabilang dito ang dalawang posibleng sites sa Cagayan, isa sa Palawan, isa sa Zambales at isa sa Isabela subalit hindi pa ito tiyak at subject pa rin sa approval ng Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Kung magugunita, nilagdaan ang EDCA noong taong 2014 na nagpapahintulot sa tropa ng Amerika na magkaroon ng access sa mga designated Philippine military facilities, karapatan na magtayo ng mga pasilidad at preposition ng equipment, aircraft at vessels subalit hindi kasama dito ang pagkakaroon ng permanenteng military base sa bansa.
Sa ilalim din ng EDCA, nakikipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika para sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa hinaharap sa may Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airfield sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Airbase sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Paglilinaw naman ni Department of National Defense (DND) officer-in-charge Undersecretary Jose Faustino Jr na ang mga EDCA sites na ito ay training facilities at warehouses lamang.