-- Advertisements --
image 8

Nagkaloob ang gobyerno ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID), ng mahigit sa P450 million ($8 million) bilang karagdagang pondo para palakasin ang paghahanda at pagtugon sa sakuna sa mga itinuturing na vulnerable communities sa Pilipinas.
Pangunahing nakatuon ang pondo sa paghahanda sa bagyo at pagbuo ng matatag na mga estratehiya sa kabuhayan sa mga rehiyon ng Bicol, CARAGA, at Eastern Visayas.
Aalalayan din nito ang partnership sa pribadong sektor, upang makatulong na matiyak ang pagpapatuloy ng mga negosyo at iba pang kritikal na serbisyo, tulad ng enerhiya at tubig, pagkatapos ng mga sakuna.
Bukod pa rito, sasanayin din ang mga tauhan mula sa Office of Civil Defense, Department of Information and Communications Technology, Department of Social Welfare and Development, at iba pang nauugnay na ahensya ng gobyerno sa pag-set up ng post-disaster logistics, emergency shelter, at emergency telecommunications.
Makikipagtulungan din ang USAID sa mga local government units sa Eastern Samar at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para mag-set up ng mga referral system para sa proteksyon ng mga bata sa panahon ng sakuna.
Ang Estados Unidos ay pangunahing katuwang ng gobyerno ng Pilipinas sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad, gayundin ang paghahatid ng humanitarian support.
Mula noong 2010, ang USAID ay nagbigay ng humigit-kumulang P17 billion ($372 million) sa disaster relief at recovery aid at pinalakas ang disaster risk reduction capacity ng mahigit 100 lungsod at munisipalidad sa Pilipinas.