-- Advertisements --

Nais pigilan ng U.S. federal judge sa Washington ang planong Ultimate Fighting Championship (UFC) event sa White House na inorganisa ni U.S. President Donald Trump, na nakatakda sa susunod na linggo.

Kasama rin sa hinihiling na ipahinto ang pagtatayo ng isang malaking metal na arena structure na tinawag na “The Claw” sa South Lawn ng White House.

Ayon sa reklamo na isinampa noong Sabado, hinihiling ng dalawang residente sa Washington na maglabas ng temporary restraining order ang korte upang mapigilan ang event na tinawag na “UFC Freedom 250.”

Nakatakda sana itong gawin sa June 14, kasabay ng ika-80 kaarawan ni Trump.

Nabatid na magaganap ang laban sa loob ng isang 92-foot-tall octagon-shaped cage, habang ang weigh-in ay gagawin sa Lincoln Memorial.

Kinuwestyon ng mga nagsampa ng kaso ang paggamit ng mga pampublikong lugar tulad ng White House South Lawn at Lincoln Memorial para sa isang pribadong sporting event.

Ayon sa kanila, labag ito sa mga patakaran at kailangan umano ng pahintulot ng Kongreso ang pagtatayo ng malaking istruktura sa lugar.

Agad namang bumuwelta ang White House, tinawag ang kaso na “obstructionist, baseless, and dilatory lawsuit,” at iginiit na ang event ay katulad lamang ng ibang mga opisyal na aktibidad na ginaganap sa White House grounds at National Mall.