-- Advertisements --

Nanganganib mabasag ang dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng United States at Iran matapos muling uminit ang tensyon kasunod ng malawakang pambobomba ng Israel sa Lebanon.

Bagama’t parehong nagdeklara ng tagumpay ang Washington at Tehran sa kasunduang ceasefire, agad itong nabahiran ng tensyon nang magsagawa ang Israel ng matitinding airstrike, kabilang sa kabisera na Beirut.

Ayon sa Lebanese Health Ministry, umabot sa 182 ang nasawi at halos 900 ang sugatan.

Iginiit ng Israel na hindi saklaw ng US-Iran truce ang kanilang opensiba laban sa Hezbollah, bagay na sinuportahan ni US Vice President JD Vance. Gayunman, nagbabala ang Iran na maaaring bumagsak ang usapan matapos umano’y malabag ang batayan ng negosasyon.

Sa gitna ng krisis, sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na handa silang ipagpatuloy ang operasyon laban sa Hezbollah, habang nagbanta naman ang Iran at ang kanilang kaalyado na gaganti kung magpapatuloy ang pag-atake. Patuloy namang nakaantabay ang puwersa ng US sakaling tuluyang sumiklab muli ang mas malawak na digmaan sa rehiyon. (report by Bombo JAI)