-- Advertisements --

Natuklasan ng mga siyentipiko mula sa University of the Philippines (UP) ang mga pattern sa paggalaw at lakas ng mga bagyong tumatama sa bansa, na nagpapakita umano ng pangangailangan para sa mas maagap at masinsing paghahanda laban sa mga sakuna.

Batay ‘yan sa mga sinuring 372 tropical cyclones (TCs) na nag-landfall sa Pilipinas mula 1979 hanggang 2024 kung saan natukoy ng UP Diliman College of Science–Institute of Environmental Science and Meteorology ang pagkakaiba ng katangian ng mga bagyo depende sa bahaging tinatamaan ng bansa.

Ayon sa mga meteorologist, ang mabilis at biglaang pagbilis ng bagyo sa Visayas at Mindanao ay nagbibigay ng limitadong oras para maghanda ang mga komunidad.

Samantala, ang mas mabagal ngunit mas malalakas umano na bagyo sa Luzon ay nagpapakita naman ng pangmatagalang panganib sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Natuklasan din sa pag-aaral na bagama’t ang mga bagyo ay nananatili sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nang ilang araw, ang kanilang direktang presensya sa mga baybayin ng Pilipinas ay maikli lamang at karaniwang tumatagal ng humigit-kumulang 21 oras bago tumama sa kalupaan o lumayo.

Isa sa mga dahilan nito, ayon sa mga eksperto, ay ang geography ng Pilipinas.

Nawawalan din daw ng lakas ang mga bagyo kapag tumatama sa kalupaan dahil nawawala ang kanilang pangunahing pinanggagalingan ng enerhiya—ang init mula sa karagatan.

Binigyang-diin ng mga eksperto na ang pag-unawa sa oras at tindi ng bagyo ay mahalaga upang mabawasan ang panganib ng sakuna. Inirerekomenda pa ng mga ito na seryosohin ng mga komunidad ang lahat ng nabubuong bagyo at bantayang mabuti ang pagpasok o pagbuo ng TCs sa loob ng PAR.