-- Advertisements --

Malaki na raw ang naging epekto ng malawakang stratehiya ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa ilang eksperto na miyembro ng COVID-19 Pandemic Response Team mula University of the Philippines, makikita ang pagkakaiba ng sitwasyon ngayon kumpara noong nakalipas na dalawang buwan.

“Bago nag-ECQ ang ating pamahalaan, ang projected bilang ng COVID-19 cases, ayun sa pagaaral ng aming team, ay maaaring umabot ng 80,000 new cases sa loob lamang ng isang araw. Yan ay ang ating worst-case scenario or do-nothing scenario,” ani Dr. Emmanuel Baja.

“Pero kahapon, ang bilang ng kumpirmadong may COVID-19 sa Pilipinas ay 539 lamang. Nung nagsimulang magdeklara ng ECQ ng pamahalaan, ang pinakamataas na bilang ng kumpirmadong may COVID-19 ay umabot lamang sa isang libo sa isang araw.”

Ayon kay Dr. Baja, magandang indikasyon ang isinasaaad ng 22.96-percent na recovery rate, pati na ang case fatality rate o bilang ng mga namamatay na nasa 4.24-percent.

-- Advertisement --

Sinasalamin daw kasi nito na handang-handa ang health system sa bansa, gayundin na mas epektibo na ang paghawak ng healthcare workers sa mga pasyente ng COVID-19.

Ayon naman kay Dr. Alfredo Mahar Lagmay, executive director ng UP Resilience Institute, kaakibat ng magandang numero ang responsibilidad ng publiko na sumunod sa mga protocol dahil nasa general community quarantine ang maraming lugar sa bansa.

Ganito rin ang payo ni UP Executive Vice President Dr. Teodoro Herbosa, na resource person din sa virtual presser ng Department of Health nitong Lunes.

“Hindi po natin makakamit ang lahat ng ito kung hindi dahil sa pagtutulungan ng lahat ng Pilipino at pagsunod sa mga direktiba ng ating gobyerno,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Responsibilidad po natin ito lahat. Karga natin ang kaligtasan ng ating mga pamilya, mga
kapitbahay, mga kaopisina, at lahat ng nakakasalamuha natin.”