Nilinaw ngayon ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi political move ang hiling ng United Nations Human Rights Council na i-review ang drug war ng Duterte administration.
Ang Iceland-initiated resolution na ito na inaprubahan ng UN Human Rights Council ay nakakuha ng yes votes mula sa 18 bansa, no votes mula sa 14 na bansa at abstention mula naman sa 15 bansa sa 41st regular session sa Geneva, Switzerland noong July 11.
Sinabi ni CHR spokesperson Jacqueline de Guia na normal lamang ang resolusyon na ito sa procedures na sinusunod ng council.
Sa katunayan, sinabi ni De Guia, na ang UNHRC team ay bumisita na sa 58 bansa para sa kaparehas na proseso noong nakaraang taon.
“Nagkaroon ng fact-finding missions maging sa ibang bansa,” ani De Guia.
Ayon sa tagapagsalita ng CHR, naglunsad ang council ng fact-finding mission sa Libya at Syria na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa.