Issue sa pera pa rin ang dahilan kung bakit naalis sa kani-kanilang hawak na komite sa Kamara ang dalawang kongresista sa gitna ng umuugong na ouster plot laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa isang panayam, sinabi ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na kaya natanggal si Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng House Committee on Appropriations ay dahil sa sinabin mayroon illegal insertions sa ilalim ng 2020 national budget.
Sa lumabas umanong ulat, isinumbong ni Ungab kay Pangulong Rodrigo Duterte at Budget Sec. Wendel Avisado ang tungkol sa P80 billion halaga ng budget insertions na ginawa ng mga kongresista noong isinalang ang pambansang pondo sa paghimay ng bicameral conference committee.
Ito ang siyang naging dahilan sa paglalabas naman ng DBM ng circular na naghihigpit sa paglalabas ng pondo para sa mga proyekto ng mga mambabatas.
Si Ungab ay pinalitan ni ACT-CIS Rep. Eric Yap, na kaalyado ni Davao City Rep. Paolo Duterte sa National Unity Party.
Samantala, si Mindoro Rep. Salvador Leachon ay naalis naman bilang chair ng House of Representatives Electoral Tribunal dahil hindi raw ito naging transparent sa pending case sa HRET.
Ayon kay Villafuerte, nakatanggap ng report ni Speaker Cayetano hinggil sa pagpabor ni Leachon sa ilang pending cases sa HRET kapalit ng pera.
Pinabulaanan naman nito ang akusasyon ni Leachon hinggil sa ilang bilyong pisong insertions sa 2020 budget, kabilang na ang pondo para sa isang convention center sa Pili, Camarines Sur.