-- Advertisements --

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang ilagay underground ang mga linya ng kuryente at telecommunications sa bansa.

Ito ay para matiyak na hindi maputol ang supply ng kuryente, gayundin na maapektuhan ang telecommunications kapag mayroong kalamidad sa bansa katulad nang pag-alburuto ng Taal Volcano, ayon kay House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy.

Iginiit ng kongresista na magiging mas magaan ang pasanin ng mga apektado ng kalamidad kapag matiyak na hindi mapuputol ang supply ng kuryente.

Ayon kay Herrera-Dy, ang may-akda ng House Bill 5845 o ang proposed National Underground Cable System Act, na kasalukuyang ipinapatupad na sa Davao, Cagayan de Oro, Cebu at Baguio ang underground cable system.

Mainam ayon sa Kongresista na gayahin din ng iba pang mga lungsod ang sistemang ito.

“With the Taal Volcano eruption, Metro Manila, Tagaytay City, Lipa City, at Batangas City now have more reason to bury those cables underground. They need not wait for the national government national to enact a law,” ani Herrera-Dy.

“They simply have to conduct feasibility studies and enact local ordinances, and look for funding outside of their annual budget,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Herrera-Dy na maaring gawin sa loob ng 10 taong programa ang underground cabling subalit dapat pag-aralan muna ito ng mga lokal na pamahalaan.