Maaaring isagawa ng face-to-face ang unang State of the Nation Address (SONA) ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa harapan ng lahat ng miyembro ng Kongreso na dadalo sa susunod na buwan.
Ito ang inihayag ni House of Representatives secretary-general Mark Llandro Mendoza.
Aniya, dalawang scenarios ang kanilang pinaghandaan.
Ito ay kinabibilangan ng 100 percent full capacity sa House of Representatives at pinaghandaan din nila ang hybrid scenario na may social distancing.
Ngunit, nilinaw nito na nakadepende pa rin kay President-elect Marcos ang desisyon at sa kasalukuyang sitwasyon sa Covid-19 sa bansa.
Ang SONA, na gaganapin sa ika-apat na Lunes ng Hulyo, ay isang obligasyon sa konstitusyon ng punong ehekutibo na mag-uulat sa katayuan ng bansa, maglalahad ng agenda ng gobyerno para sa darating na taon at magmumungkahi sa Kongreso ng ilang mga hakbang sa pambatasan.
Si Marcos ay manumpa bilang ika-17 pangulo ng bansa sa Hunyo 30 sa National Museum.










