BUTUAN CITY – Negatibo na sa follow-up test ang unang COVID-19 patient sa Caraga Region base sa resultang inilabas ng Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Ngunit nilinaw ni Dr, Jose Llacuna Jr., regional director ng Department of Health (DOH) Caraga, na hindi pa makakalabas ng ospital ang naturang indibidwal kasama ang apat na iba pang persons under investigation (PUIs) na negatibo na rin sa sakit.
Kailangan daw kasi na magsagawa ng isa pang tests sa mga ito bago pahintulutang makauwi na sa kanikanilang mga bahay.
Samantala, pinuri naman ni Llacuna ang mga Level II hospitals sa rehiyon dahil sa magandang performance sa gitna ng kinakaharap na public health crisis.
Umaapela naman ito sa mga lokal na pamahalaan na patuloy pa rin ang ginagawang monitoring at pag-report sa kanila hinggil sa mga suspected COVID-19 patients upang sa gayon ay maagapan ang pagbibigay ng tulong sa mga ito.