
Kumpiyansa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maiuuwi na sa Pilipinas ang mga Pilipinong inilikas mula sa Sudan sa susunod na linggo.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, nakatutok ngayon ang mga awtoridad sa 350 Pilipino na inilikas mula sa Khartoum, ang kabisera at sentro ng labanan sa Sudan na nakaabot sa may border ng Sudan at Egypt.
Kasalukuyang nag-aantay pa aniya ang mga ito para sa kanilang entry visa.
Paliwanag ni De Vega na posibleng abutin aniya ang pagproseso ng visa sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw mula sa dati na ilang oras lamang dahil na rin sa buhos ng aplikasyon na natatanggap ng mga awtoridad sa Egypt.
Isa kasi aniya sa problema na tinutugunan aniya ng mga awtoridad sa Pilipinas ay ang kakulangan ng mga dokumento ng ilang mga nailikas na Pilipino.
Nasa dalawang bus naman dala ang kabuuang 116 Pilipino ang umalis palabas ng kabisera ng Sudan nitong umaga ng Biyernes.
Ayon kay De Vega mula sa border ng Sudan at Egypt, dadalhin ang mga Pilipino sa kabisera ng Aswan na apat na oras ang layo.
Bibigyab din ang mga ito ng accommodation hanggang sa madala na ang mga Pilipino sa Cairo, Egypt by air o land.
Tiniyak din ni De Vega na sasagutin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng mga gagastusin ng mga inilikas na Pilipino kabilang ang kanilang commercial flights pabalik ng Pilipinas.
Nag-alok na rin ang Department of National Defense ng paggamit ng kanilang C-130 planes para sa repatriation ng mga Pilipino.
Sa ngayon ayon kay De Vega wala pa sa mga inilikas na Pilipino ang nakarating sa Cairo, Egypt maliban sa mga umalis kasama ang kanilang employer matapos itaas ang alerto sa Sudan sa Alert level 3.
Sinabi din ni De Vega na ilan sa mga Filipino repatriates ay nasa Greece habang ang ilan naman ay nasa jeddah.










