
Iniulat ng Philippine National Police na naging maayos at mayapa ang pangkalahatang pagsisimula ng Simbang Gabi sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Ayon kay Philippine National Police Spokesperson PCol. Jean Fajardo, batay sa kanilang naging assessment ay wala namang naitalang “untoward incident” ang pulisya sa unang araw ng pagdaraos nito.
Ngunit kapansin-pansin naman aniya na mas marami ang bilang ng mga dumalo ngayon sa Simbang Gabi kumpara noong nakaraang taon dahil na rin sa mas maluwag na COVID-19 restrictions na ipinatutupad sa bansa.
Samantala, bukod dito ay inihayag din ni Fajardo na halos nasa 30,000 na mga otoridad din ang kanilang ipinakalat sa nasa mahigit 3,700 worship places at iba pang lugar na maaaring puntahan ng maraming tao pagtapos ng pagsamba tulad ng mga kainan, terminal, at iba pang commercial establishments.
Kung maaalala, una nang inanunsyo ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na ilalagay na sa full alert ang buong hanay kapulisan simula kahapon, December 15, bilang bahagi pa rin ng pagtitiyak ng buong hanay ng kapulisan sa seguridad at kaligtasan ng mamamayang nakiisa sa Simbang Gabi.










