-- Advertisements --

Umapela na rin ang United Nations sa international community para tumulong sa Pilipinas sa gitna ng nararanasang seryosong tagtuyot dulot ng isa sa itinuturing na pinakamatinding El Niño na tumama sa kasaysayan.

Inihayag ng local UN officials na nakaapekto ang dry spell sa mahigit 1.4 million katao sa Pilipinas kung saan inaasang mas mababa sa average ang nakatakdang maaani.

Ayon kay Climate Crisis Coordinator for the El Niño/La Niña Response, UN Assistant Secretary General Reena Ghelani, na bumisita sa Pilipinas, ipinamalas ng PH ang kahalagahan ng pagkilos ng maaga bago pa tumama ang sakuna.

Bunsod din aniya ng madalas at matinding climate shocks, mahalaga na mapalakas ang suporta para maging resilient o matatag ang komunidad sa pagharap sa mga sakuna o kalamidad.

Ayon sa UN, ang Pilipinas ang isa sa most disaster-prone countries sa buong mundo at highly vulnerable sa climate change.

Nagdulot ang mga sakuna ng $23 billion danyos sa bansa simula pa noong 1990.

Sinabi naman ni UN Resident and Humanitarian Coordinator in the Philippines Gustavo Gonzalez na kanilang kina-calibrate ang technical assistance para sa bansa sa gitna ng walang patid na init ng panahon.

Ang panawagan ng UN ay sa gitna ng paglobo pa ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa na umaabot na sa P4.3 billion dahil sa matinding init at kawalan ng mga pag-ulan.