Nanindigan ang pamahalaan sa pag-kontra sa resolusyon ng Iceland sa United Nations (UN) na nagpapa-imbestiga sa sitwasyon ng human rights sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Human Rights Committee Usec. Severo Catura, isang halimbawa ng pambu-bully ang hakbang ng UN sa Pilipinas.
Nagmatigas ito at sinabing hindi iko-konsidera ang pagbibigay ng official records kaugnay ng anti-drug war campaign ng administrasyon.
Hindi rin daw ito kikilalanin ng bansa o ano mang aksyon kaugnay ng Iceland resolution.
“So far we stand by our position that we totally reject that resolution. Any action in relation to that, we will not honor,” ani Catura sa Real Numbers PH presentation ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) at Philippine National Police (PNP) nitong araw.
“We see this as something as a sort of bullying and we cannot stand this kind of bullying.”
Naniniwala si Catura na may ibang paraan para pagusapan ang sitwasyon ng human rights sa Pilipinas.
Nakasaad kasi sa naturang resolusyon na dapat magsumite ang estado ng report ukol sa issue.
Handa naman daw makipag-usap ang gobyerno sa UN para talakayin ang ibang mekanismo na maaaring gamitin bilang tugon sa pinaguusapang issue.
“We are open to other engagement. There are other mechanisms in which we are very much a part of and which are respected by UN mechanism. But again, going back, we totally reject that resolution.”