Malabong makatanggap ng pambansang umento sa sahod ang mga minimum wage earners sa darating na Labor Day sa Mayo 1.
Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang pagtatakda ng mga susunod na wage adjustments para sa 2026-2027 wage cycle ngayong Mayo ay mananatiling sa ilalim ng eksklusibong hurisdiksyon ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, hindi magkakaroon ng across-the-board na pagtaas ng sahod sa buong Pilipinas maliban na lamang kung magpapasa ang Kongreso ng batas na nag-uutos nito.
Sa halip, patuloy na imo-monitor ng mga regional boards ang mga economic conditions—kabilang ang inflation, presyo ng mga pangunahing bilihin, at sitwasyon sa bawat rehiyon—bago magpatupad ng anumang dagdag-sahod.
Sinabi ng kalihim na naipatupad na ang mga wage adjustments sa lahat ng rehiyon para sa kasalukuyang 2025-2026 wage cycle.
May mga petisyon man na inihain bunsod ng krisis—gaya ng panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) noong unang bahagi ng Marso para sa P200 na umento dahil sa gulo sa Gitnang Silangan, pati na ang epekto ng national energy emergency—ang mga ito ay dadaan pa rin sa masusing pagsusuri base sa regular na iskedyul ng mga boards.
Tiniyak naman ni Laguesma na naiintindihan ng ahensya ang hinaing ng sektor ng paggawa.














