Pinaiimbestigahan ni Senadora Imee Marcos ang umano’y talamak na korapsyon at iregularidad sa loob ng Bureau of Immigration (BI), partikular sa proseso ng pagpapalawig ng tourist visas ng mga banyagang mamamayan.
Inihain ni Marcos ang Senate Resolution No. 1355 upang masilip ang umano’y korapsyon sa loob ng tanggapan.
Sa resolusyon ng senadora, sinabi ni Marcos na dumarami ang mga ulat at reklamo mula sa mga dayuhan at iba pang stakeholders hinggil sa talamak na lagayan, pang-aabuso, at mabagal na proseso sa loob ng ahensya.
Isa na rito ang paniningil umano ng halagang Php 15,000 hanggang Php 70,000, depende sa haba ng pananatili ng dayuhan sa bansa, batay sa inilantad na “price menu” ni Atty. Gilberto Repizo, dating Associate Commissioner ng BI.
Binalikan din ni Marcos ang mga naunang kaso ng katiwalian sa BI, tulad ng insidente noong 2020 sa NAIA, kung saan tumanggap umano ng lagay na Php 10,000 kada Chinese national ang ilang opisyal ng immigration para makapasok ang mga ito sa bansa kahit kulang sa dokumento. Noong 2022, 45 empleyado ng BI ang tinanggal sa serbisyo dahil dito.
Ayon sa senadora, mas lalong nakababahala ang mga bagong ulat na patuloy pa rin ang ganitong sistema sa kabila ng mga naunang hakbang.
Maging ang Department of Justice at Department of Foreign Affairs aniya ay nagpahayag ng pangangamba at nananawagan ng reporma sa sistema ng pagproseso ng mga bisa.
Nakahain na sa Senado ang resolusyon para sa pormal na imbestigasyon sa ilalim ng kaukulang komite.