-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon na may mga kasong pang aabuso at rape sa lahat ng kanilang anti-illegal drug operations.

Ito’y sa gitna na rin panibagong kontrobersya kung saan sinabi ng International Criminal Court (ICC) na may mga natanggap silang reklamo na may mga babaeng nagagahasa na konektado sa drug personalities at mga drug suspect na inaabuso muna bago patayin.

Ayon kay PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, “rehashed” o dati nang alegasyon ang mga pang-aabuso na ginagawa umano ng mga pulis pero napatunayan naman na wala itong basehan.

Giit nito, sumusunod ang PNP sa standard protocol sa mga operasyon lalo na sa kampanya laban sa iligal na droga, krimen at maging sa terorismo.

Nabatid na target ng Office of the Prosecutor na tapusin ang preliminary examination sa drug war ng Pilipinas sa 2020.

Sa kabilang dako, may gagawing security adjustment ang PNP sa nalalapit na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa December 26.

Hinimok naman ng PNP ang mga rebeldeng NPA na sumuko na lamang sa gobyerno at mamuhay ng normal.