-- Advertisements --

Hinimok ng national president ng Union of Local Authorities of the Philippines ang mga local government units na magkaroon ng mga programa na magpapabuti ng lagay ng mga ilog at iba pang water resources. 

Ayon kay Dakila Cua, dinadagsa na ang esplanade sa Pasig River at Iloilo. Ito raw ay senyales na mahalaga para sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng public open space. 

Dagdag pa nito, sana raw ay matugunan ng mga LGU ang kagustuhan ng mga tao na magkaroon ng mas maraming lugar na bukas sa publiko para sa kanilang leisure, recreation, at edukasyon. 

Binigyang-diin din ni Cua na ang pagpapaganda ng mga ilog ay hindi lamang para sa aesthetic purposes bagkus ay para rin makatulong sa transportasyon at turismo. 

Magiging daan din umano ito para maka-konekta ang mga tao sa kultura at kasaysayan na nakakabit sa lugar.

Umaasa si Cua na ibabahagi ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development ang mga naging hakbang nito sa pagpapaganda ng Pasig River sa iba pang mga LGU.