-- Advertisements --

Ngayon pa lamang ay naninindigan na ang Iran na hindi ipapaubaya sa Amerika ang black box o digital flight data recorder ng bumagsak na Ukrainian Boeing 737-800.

Ayon umano sa pinuno ng Civil Aviation Organisation (CAO) ng Iran, sila ang mag-iimbestiga sa nangyaring plane crash na ikinasawi ng halos 180 pasahero pero papayagan naman nila ang presensya ng mga Ukrainians.

This accident will be investigated by Iran’s aviation organisation but the Ukrainians can also be present,” ani CAO head Ali Abedzadeh. “We will not give the black box to the manufacturer and the Americans.”

Nabatid na ang US National Transportation Safety Board ang kadalasang may papel sa anumang international investigations na kinasasangkutan ng US-made Boeings pero kailangan pa rin nilang humingi ng permiso sa bansang kasama rin sa iimbestigahan.

Sa ilalim naman ng global aviation rules, may karapatan ang Iran na manguna sa imbestigasyon pero ang mga manufacturers ang may kakayahan daw na mag-analisa sa mga black boxes.

Una rito, engine failure at hindi umano terror attack ang dahilan ng trahedya kung saan bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano ilang minuto lamang matapos nitong mag-take off mula sa Imam Khomeini International Airport sa Tehran.

Kabilang sa mga namatay ang 82 Iranians, 63 Canadian, 11 Ukrainians, 10 Swedish national, apat na Afghans, tatlong Germans at tatlong British nationals, at 15 rito ang bata.

Kumalat ang ispekulasyon na may koneksyon ang insidente sa sigalot na nagaganap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. (BBC)