-- Advertisements --
SARS COV 2 virus Wiki COVID19
IMAGE | SARS-CoV-2 virus/file

MANILA – Nakipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa mga opisyal ng Hong Kong matapos mapaulat na may pasaherong nag-positibo sa bagong COVID-19 variant mula Pilipinas.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kausap na ng kagawaran ang focal point ng International Health Regulations (IHR).

“We have initiated coordination with the IHR Focal Point of HK to request further details,” ani Vergeire sa isang mensaheng ipinadala sa reporters.

Ang IHR ay sangay sa ilalim ng Ministry of Health ng Hong Kong.

Bukod sa health officials ng naturang bansa, nakikipag-ugnayan na rin daw ang DOH sa airline company na sinasabing sinakyan ng pasaherong nag-positibo sa UK variant ng virus.

“Also retrieving the flight manifest for the identified flight. We will be informing as soon as we get complete information.”

Sa isang press briefing nitong Martes ng gabi, sinabi ni Dr. Chuang Shuk-kwan, head ng Hong Kong Center for Health Protection – Communicable Disease Branch, na isang 30-anyos na babae ang nakitaan ng bagong virus variant, mula nang dumating ito noong December 22.

“(Case) 9003 took PR 300 and arrived in Hong Kong on the 22nd of December from (the) Philippines.”

Wala pang pahayag ang Philippine Airlines, na siyang flight carrier ng nasabing biyahe papuntang Hong Kong.