
Sabik na umanong makita at makausap ni UK Prime Minister Rishi Sunak si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay UK Ambassador to the Philippines Laure Beaufils, una nang sinabi sa kanya ng UK prime minister na nais niyang makaharap si Pangulong Marcos, sa sandaling pupunta ang Pangulo sa UK para sa nalalapit na koronasyon ni King Charles III.
Ani Beaufils, kasalukuyan na silang bumubuo ng plano upang magkaharap sina Sunak at Marcos. Maaari aniyang sa darating na araw ng Sabado ay maisasagawa na ang nasabing pag-uusap.
Kung mangyayari, ito na ang kauna-unahang pagkikita ng dalawa.
Samantala, tutulak si Pangulong Marcos pa-United Kingdom matapos ang limang araw na pagbisita nito sa US na nagsimua noong Mayo a-uno.
Kasama ni Pangulong Marcos sa kanyang delegasyon mula sa US papuntang UK, si First Lady Liza Araneta – Marcos.










