Magtatayo ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang typhoon response facility sa lungsod ng Marikina para sa maagap na pagtugon ng local authorities sa mga kalamidad.
Ayon kay PCG National Capital Region at Central Luzon district commander Read Admiral Hostillo Arturo Cornelio, nasa P50 million ang inilaang pondo para sa naturang proyekto na magmumula sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Saad pa ng PCG official na makatutulong ito para sa mabilis na aksiyon tuwing mayroong bagyo sa nasabing lungsod.
Magiging isa itong strategic platform ng waterborne search and rescue operations na kailangan aniya ng Marikeños.
Isa kasi ang Marikina sa lokal na pamahalaan sa Metro Manila na matinding nasasalanta kapag mayroong mga kalamidad katulad na lamang noong pananalasa ng nagdaang bagyong Ondoy noong 2009 at bagyong Ulysses noong 2020.
Kabilang din sa partnership ng PCG sa pamahalaang lungsod ng Marikina ang magkatuwang na monitoring sa kalidad ng tubig sa Marikina river para matiyak na may access sa malinis na tubig ang mga residente mula sa nasabing ilog.