-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Inaantabayanan na ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batanes anumang oras ngayong araw, Hulyo 28, upang personal na suriin ang sitwasyon ng mga kababayan natin sa nasabing lalawigan matapos tamaan ng magkasunod na lindol kahapon.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Roldan Esdicul, pinaghahandaan na nila ang pagdating ng Pangulo sa kanilang lugar.

Naging matipid naman ito sa pagbibigay ng karagdagang detalye sa pagtungo ni Duterte roon.

Una rito, inihayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na sigurado itong dadalaw ang Pangulo nang matanong kung bibisitahin ba ng Punong Ehekutibo sa Batanes matapos yanigin ng kambal na lindol kung saan labis na napinsala ang bayan ng Itbayat.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nagsimula ang pagyanig bandang alas-4:16 ng madaling araw kahapon, na naitala sa magnitude 5.4.

Sinundan ito ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang isang oras, bago naitala ang “main shock” na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7:00 ng umaga.