-- Advertisements --
TURKEY QUAKE

Itinigil na ng gobyerno ng Turkey ang kanilang rescue efforts maliban na lamang sa dalawang probinsiya na matinding tinamaan ng malakas na lindol na kumitil sa buhay ng libu-libong mamamayan.

Ayon kay Turkish disaster agency chief Yunus Sezer, nakumpleto na kasi ang search and rescue efforts sa karamihan sa mga probinsiya subalit tuluy-tuloy pa rin ang rescue operations sa Kahramanmaras at Hatay provinces.

Una rito, nasa kabuuang 11 turkish southeastern provinces ang naapektuhan ng tremor kung saan ang episentro ng pagyanig na 7.8 magnitude ay tumama sa Pazarcik district sa Kahramanmaras, Turkey.

Base sa pinakahuling ulat, pumalo na sa 44,377 ang bilang ng nasawi sa Turkey at Syria dahil sa lindol.

Sa damage assessment, iniulat din ni Turkish Vice President Fuat Oktay noong nakalipas na linggo na umaabot na sa 105,000 gusali ang naitalang gumuho, kinailangang gibain o matinding napinsala sa lindol.