-- Advertisements --

Magiging duty-free na ang pag-export ng Pilipinas ng mga Tuna products sa United Kingdom, oras na ipatupad na ang Developing Countries Trading Scheme(DCTS).

Ibig sabihin, matatanggal na ang 20% tariff sa mga Philippine tuna exports at mapapababa na ang babayaran ng mga Filipino exporter; bagay na malaking tulong sa mga Pilipinong namumuhunan sa Tuna industry sa bansa.

Ang nasabing hakbang ay naging posible, matapos ilunsad kahapon ng United Kingdom ang Developing Countries Trading Scheme, isang trading scheme na binuo ng UK para sa 65 developing countries sa buong mundo na kinabibilangan ng Pilipinas.

Sa ilalim ng nasabing scheme, pinapababa ang 20% import tax sa halos lahat ng mga commodities, maliban lamang sa mga armas at iba pang Military goods, habang tinatanggal ang import tax sa maraming mga commodities para sa mga low at lower-middle income countries.

Ayon kay British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils, ang tuna export ng Pilipinas ay isa sa pinakamalaking trade asset ng bansa.

Sa katunayan aniya, ito ay umaabot sa 14 Million Pounds o katumbas ng P984,766,000, bilang annual average mula pa noong 2020.

Samantala, maliban sa tuna ay maaari ring maging bahagi ng nasabing scheme ang iba pang mga commodities sa bansa, katulad ng corn starch, shirt, arina, at iba pa.