-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Hindi tinapos at iniwang nakatiwangwang ng kontraktor ang isang proyektong tulay sa Northern Kabuntalan Maguindanao.

Ang tulay ay nag-uugnay sa bayan ng Northern Kabuntalan at Mother Kabuntalan.

Sinabi ni Northern Kabuntalan Mayor Datu Umbra”Ramil”Dilangalen na hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng Gemma Construction Company kung bakit hindi nila tinapos ang tulay.

Maliban sa tulay may proyekto rin na hindi tinapos ang Tamontaka Builders kagaya ng barangay hall, multi purpose building at foot bridge sa Brgy Bialong.

Ayon kay Mayor Dilangalen, hindi man lamang nya alam maging ng mga opisyal ng barangay ang sanhi kung bakit iniwang nakatiwangwang ang nasabing mga proyekto.

Ito ay pinondohan ng gobyerno para sa mga mamamayan kaya dapat lamang anya na ipaalam sa publiko ang status ng proyekto.

Ang tulay na nag-uugnay sa dalawang bayan ay malaking tulong sa Mamamayan ng Maguindanao at North Cotabato kung tinapos lamang ito ng kontraktor.

Hindi rin alam ni Mayor Dilangalen kung saan napunta ang pondo ng naturang mga proyekto.

Kinalampag ni Dilangalen ang DPWH,Gemma Construction Company at Tamontaka builders na tapusin ang iniwan nilang nakatiwangwag na mga proyekto.

Panawagan ni Mayor Dilangalen sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad umaksyon at panagutin ang ilang ahensya na nagpabaya sa naturang mga proyekto ng pamahalaan.