Naglabas ng show cause order ang Department of Interior and Local Government (DILG) laban kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa oras na mapatunayang missing in action ito noong kasagsagan ng mataas na baha sa kaniyang nasasakupan.
Nakatanggap umano ang nasabing ahensya ng impormasyon na nasa Batangas daw si Soriano kasama ang pamilya nito upang idaos ang kaniyang kaarawan habang hinahagupit ng bagyong Ulysses ang lalawigan ng Tuguegarao.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya kasalukuyan na nilang bineberipika kung totoo ang nasabing impormasyon.
Ang alkalde aniya ang maituturing na ama ng lalawigan at hindi nito maaaring iwan na lamang ang kaniyang constituents sa kalagitnaan ng kalamidad.
Pinagpapaliwanag din ng ahensya si Soriano kung bakit wala siya sa kaniyang area of responsibility habang may hinaharap na problema ang kaniyang lalawigan.
Kwento naman ng alkalde, nagpaalam daw siya kay Cagayan Governor Manuel Mamba dahil hindi naman tinatamaan ang kaniyang lalawigan. Wala rin aniyang typhoon signal ang Tuguegarao kung kaya’t umalis ito kasama ang kaniyang pamilya.
Noong nagsimula umanong tumaas ang lebel ng tubig sa naturang probinsya ay sinubukan daw nitong bumalik ngunit maaga raw isinara noon ang NLEX.










