Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa House Committee on Health ang tugon ng pamahalaan sa pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-dengue sa bansa.
Ito ay matapos na ideklara ang dengue national health emergency sa bansa makaraang pumalo sa 491 ang bilang ng mga nasawi dahil sa dengue.
Batay sa House Resolution 124 ng Makabayan bloc, dapat na masilip ng Kamara ang mga aksyon ng gobyerno sa dengue outbreak pati na rin ang disbursement ng pondo para rito.
Tinukoy ng mga makakaliwang kongresista na sa unang pitong buwan ng taon ay pumalo sa 115,986 ang kaso ng dengue, mas mataaqs kumpara sa 62,267 na naitala sa nakalipas na toan.
Iginiit ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, may-akda ng naturang resolusyon, na dahil sa mataas na bilang ng dengue cases, ang probinsya ng Iloilo ay napilitan nang magtayo ng mga tent bilang makeshift treatment centers.
Ito ay dahil punuan na rin aniya ang mga ospital ng mga pasiyenteng mayroong dengue.










