Nagbabala si U.S. President Donald Trump na posibleng magkaroon ng mas matinding digmaan sa Middle East kung mabibigo ang peace process sa Iran, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis at patuloy na tensyon sa Strait of Hormuz.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trump na mananatili ang mga puwersang militar ng Amerika sa rehiyon hanggang sa makamit ang kasunduan sa kapayapaan, at kung hindi ito magtagumpay ay haharap ang Iran sa mas malawak at mas mabagsik na opensiba.
Binanggit niya na nakahanda ang U.S. ships, aircraft, at personnel na may dagdag na armas upang “sirain ang substantially degraded enemy” kung kinakailangan.
Kasabay nito, iniulat na tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, mas mataas kumpara sa presyo bago nagsimula ang joint U.S.-Israel operations.
Nanatiling hindi malinaw ang saklaw ng ceasefire, lalo na matapos ang malawakang airstrikes ng Israel sa Lebanon na kumitil ng mahigit 250 katao, dahilan upang tawagin ng Iran ang mga negosasyon na “unreasonable.”
Sa pahayag naman ng White House spokesperson na si Karoline Leavitt, sinabi nitong huwag magpapadala ang media at publiko sa mga naratibo ng Iran, dahil iba naman ang sinasabi nito sa panig ng America.
















