CAUAYAN CITY – Labis na natutuwa ang Pagaran triplets na cum laude matapos naman silang pumasa sa Agriculturist Licensure Examination na ginanap noong November 5, 2019.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jack Pagaran, Science Research Assistant ng Regional Field Unit ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 at residente ng Sta. Maria, Isabela, sinabi niya na halos hindi sila makatulog ilang araw bago lumabas ang resulta ng pagsusulit.
Aniya, alas-4:00 ng madaling araw nang ipabatid ng kanyang kasama sa trabaho na lumabas na ang resulta ng board exam.
Kuwento nito, bago sila kumuha ng exam ay nagtungo sila sa Our Lady of Piat sa Piat, Cagayan para ipanalangin na makapasa silang lahat sa pagsusulit.
Sinabi ni Mr. Pagaran na nais niyang manatili sa kanyang trabaho sa DA Region 2.
Ang kanyang mga kakambal na sina Ace at King Pagaran naman ay empleyado ng DA sa Nueva Vizcaya.
Hinikayat niya ang mga kukuha ng board exam na maging masipag sa pagbabasa at pagre-review para makapasa.
Ang triplets ay nagtapos sa kursong B.S. Agriculture sa Isabela State University Cabagan Campus.