Pabor si treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega sa mungkahing paliwigin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus para ma-sustain ang “gains” na naabot ng pamahalaan sa mga linggong nasa ilalim ng mas striktong quarantine status.
Mismong mga alkalde sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya na rin kasi aniya ang nagsasabi na mas mabuti kung palawigin muna ang MECQ sa NCR Plus.
Ayon kay Vega, ilan sa mga gains ng pamahalaan sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) at MECQ ay ang pagbubukas ng mas marami pang intensive care units at isolation beds para sa COVID-19 patients.
Inihalimbawa nito ang sa Metro Manila kung saan nasa 150 na bagong ICU beds ang binuksan, dahilan para umakyat ang kabuuang bilang ngayong Abril sa 931.
Bagama’t nakakaranas nang pagbaba sa bilang ng mga COVID-19 cases na iniulat sa mga nakalipas na araw, dapat ay handa ang bansa sa anumang posibleng maging iba pang scenario sa harap ng pandemya.
Kahapon, aabot sa 71,675 ang active cases ng COVID-19 sa bansa, kabilang na ang 7,204 na bagong tala na infections.









