-- Advertisements --

Kinokonsidera pa ng procession committee ng Quiapo Church ang ilang suhestyon kung papaano isasagawa ang Pista ng Poong Nazareno sa susunod na taon.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, vicar ng Minor Basilica ng Black Nazarene, pinag-iisipan na rin nila kung kakanselahin na lamang ang prosesyon ng itim na Nazareno sa Rizal Park upang hindi lumabag sa social distancing ang mga dadalo.

Milyon-milyong deboto ang bumubuhos tuwing Enero 9 para dumalo sa taunanong traslasyon ng Black Nazarene na pinaniniwalaan namang milagroso.

Umapela rin si Badong sa publiko na makiisa sa simbahan habang pinaplantsa pa nito ang mga plano para sa prosesyon.

Uupuan umano nila ang bawat suhestyon na idudulog sa Inter-Agency Task Force pero inihahanda na rin daw nila ang posibilidad na wala talagang Luneta event na mangyayari tulad ng nakagawian.

“Yan po ay isa sa talagang pinaghahandaan namin, inaayos na namin yung mga dapat ayusin para kapag sumulat kami sa city hall at IATF ay magiging malinaw kung paano ipapatupad ‘yung mga susunod na prosesyon o motorcade. Lalo’t higit malapit na kasi sa mga ganitong buwan talagang puspusan na ang paghahanda para sa January 9 eh,” saad ni Fr. Badong.

“Kailangan talaga naming ma-practice ngayon at atleast ‘yung mga tao masanay na ito ‘yung mangyayari, ito ‘yung ipapatupad natin na may physical distancing habang magsisimba sila para sa itim na Nazareno,” dagdag pa ng pari.

Inihihirit din ng pari sa gobyerno na payagang 30 percent ng mga deboto ang pumasok sa loob ng simbahan.

Sa ngayon kasi ay 100 katao o 10 percent lamang ng 1,000 seating capacity ng Quiapo church ang pinapayagan alinsunod na rin sa panuntunan ng gobyerno kontra COVID-19.