-- Advertisements --

NAGA CITY – Libo-libong deboto na mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang bumubuhos sa Lungsod ng Naga para makiisa sa Traslacion Procession ni Nuestra Señora de Peñafrancia mamayang hapon.

Pasado alas-4:00 kaninang madaling araw nang isagawa ang prusisyon kung saan inilipat ang imahe mula Basilica Menore papuntang Peñafrancia Parish.

Tumagal ng mahigit isang oras ang prusisyon kung saan mapapansin na pawang kababaihan ang nakaalalay sa andas ni Ina.

Mamayang alas-12:00 ng tanghali naman, sisimulan ang Traslacion Procession o ang paglipat naman ng imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia at El Divino Rostro mula sa naturang simbahan papunta sa Metropolitan Cathedral kung saan ito mananatili ng siyam na araw bago ang Fluvial Procession.

Bilang bahagi ng mas pinahigpit na seguridad, ipapatupad din ang signal jamming hanggang sa matapos ang aktibidad.

Mahigit sa 3,000 law enforcement units at force multipliers ang nakakalat sa buong lungsod para matiyak ang kaligtasan ng mga bisita at deboto.

Samantala sa impormasyon ipinaabot ng National Democratic Front-Bicol sa Bombo Radyo Naga, sinabi ng mga ito na buo ang kanilang suporta at tiniyak ng mga ito na hindi sila manggugulo kasabay ng okasyon.

Ang Traslacion Procession ay taun-taong isinasagawa bilang hudyat ng pagsisimula ng novenario bago ang pagdiriwang ng kapistahan ni Nuestra Señora de Peñafrancia sa darating na Setyembre 22.