-- Advertisements --

Inaasahang matatapos na sa Agosto ngayong taon ang isang malaking transmission project na makatutulong sa pagresolba ng problema sa kuryente sa Boracay at iba pang bahagi ng Aklan, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa isang pahayag, sinabi ng DOE na kanilang i-inspeksyunin, kasama ang iba pang ahensya ang P5.27-billion Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Line Project (NCBTLP), na kasalukuyang nasa 93.16 porsiyento nang kumpleto.

Layunin ng proyekto na magbigay ng mas matatag at maaasahang suplay ng kuryente sa Aklan, lalo na sa Boracay na isa sa pangunahing tourist destinations ng bansa.

Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara, pinabibilis na ang pagtatapos ng proyekto dahil mahalaga ang sapat na kuryente sa patuloy na paglago ng ekonomiya at turismo sa lugar.

Dagdag pa ng DOE, inaasahan ding mahikayat ng proyekto ang mga mamumuhunan na magtayo ng renewable energy projects sa probinsya upang matugunan ang tumataas na demand sa kuryente.

Kapag natapos, inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 155,474 residential customers, 13,388 commercial establishments, at 27 industrial users sa Aklan.

Binigyang-diin din ng ahensya na mahalaga ang ganitong uri ng imprastraktura sa pagsulong ng pangkalahatang layunin ng sektor ng enerhiya sa bansa.