BUTUAN CITY – Ni-relieve na ang training manager ng Regional Training Center (RTC)-Caraga sa may Camp George Barbers na nakabase sa Barangay Lipata ng Surigao City.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na administratibong imbestigasyon sa namatay na police trainee sa kasagsagan ng training.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Police Regional Office-13 director Pol. B/General Joselito Esquivel Jr., na layunin sa pag-relieve kay Pol. L/Col. Edcel Canals ay upang hindi mamantsahan ng pagduda ang kanilang imbestigasyon.
Kasama sa kanilang titingnan ay kung “rated” ba ang referee na kanilang ginamit, kung may suot bang protective head gear ang namatay na si James Polistico, at kung inaprubahan at nasama ang boxing event sa training.
Dagdag pa ng heneral na kasama sa kanilang titingnan ang procedure ng boxing lalo na’t separate unit ang training center mula sa Police Regional Office-13.
Aminado ang heneral na bilang isa ring boksingero ay alam niyang delikado ang boksing lalo na ang headshot kung kaya’t dapat may naka-standby na medical team o kaya’y doktor at ambulansya na siyang magdadala sa ospital sakaling may masamang mangyari sa trainee.