Nakabalik na sa Pilipinas ang anim na Pinay na biktima ng human trafficking sa bansang Syria. Sila ang unang batch ng mga naghihintay ng repatriation na ginagawa ng Philippine Embassy sa Damascus.
Umalis ang mga nasabing Pinay sa Syria noong Pebrero 4 at dumating sa Ninoy Aquino International Airport kaninang tanghali matapos ang layover nito sa Abu, Dhabi, United Arab Emirates.
Ang lahat ng repatriates ay biktima ng human trafficking at iligal na kinuha upang magtrabaho sa Syria mula sa pagiging turista sa Dubai.
Base sa Department of Foreign Affairs (DFA), kasama ang mga ito sa 38 pang Pilipina na kasalukuyang naninirahan sa Embassy shelter dahil lahat sila ay undocumented workers sa Syria na tumakas mula sa kanilang mga employer.
Nakipagtulungan ang ahensya sa Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT) sa pamumuno ng Department of Justice (DOJ) para tulungan ang mga repatriates na magsampa ng criminal complaints laban sa mga human traffickers na nambiktima sa kanila.
Inihanda naman ng mga biktima ang kanilang complaint-affidavits sa tinutuluyang shelter sa Damascus.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na nakipag-ugnayan ito sa Syrian authorities at employers para mabigyan ng exit clearances ang mga repatriates.
Ginamit umano ng ahensya ang Assistance to National Fund at Legal Assistance Fund upang tulungan ang iba pang repatriates para sa kanilang nagpapatuloy na court cases.
Kasama na rito ang pagkakaroon ng representations sa Syrian immigration para mabigyan sila ng exit visas pabalik ng Pilipinas.