KALIBO, Aklan — Umabot na sa 1,531,774 ang mga turistang bumisita sa Isla ng Boracay simula Enero hanggang Nobyembre 25, 2022.
Dahil dito, sinabi ni Rex Aguirre, Tourism Officer Head of the Culture and the Arts and Special Events Division ng LGU-Malay, inaasahang maabot nila ang target na 2 million o mahigit pang bilang ng bisita sa pagtapos ng taon.
Sa naturang bilang, 97,061 ang foreigner; 1,403,041 ang domestic at 31,672 ang mga Overseas Filipino Workers.
Pinaghahandaan na umano nila ang pagbuhos ng mga turista ngayong Disyembre lalo na sa araw ng Pasko at Bagong Taon.
Sa kabilang daku, operational na umano ang biyahe ng Royal Air sa Caticlan airport na may rotang Manila-Caticlan at Cebu-Caticlan.
Maliban dito, muling magbabalik ang direct flights mula sa Taiwan.
Samantala, kinumpirma rin ng LGU-Malay na muling magsasagawa ng Boracay Ati-Atihan festival sa darating na Enero 7 hanggang 8, 2023 pagkatapos ng halos dalawang taong pagsuspinde sa nasabing event na kadalasang nilalahukan ng mga grupo at tribu mula sa iba’t-ibang stakeholders at mga residente.
Posible rin umanong magkaroon ng fluvial parade na isa sa mga tourist attraction na inaasahang hahakot ng mga turista.