CENTRAL MINDANAO- Pinatutupad ngayon sa bayan ng Mlang Cotabato ang total lockdown sa pagpasok at paglabas ng mga alagang baboy dahil sa African Swine Fever.

Ito ay kasunod sa mga nagpositibo sa ASF na mga alagang baboy sa Don Marcelino Davao Occidental.

Bago lamang ay nilagdaan na ni Mlang Mayor Russel Abonado ang isang Executive Order na bumubuo ng Task Force African Swine Fever.

Nakasaad sa EO ng Alkalde ang pag lockdown sa pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy kabilang na ang mga frozen products.

Hinigpitan din ang pagbabantay sa mga entry at exit points ng bayan kung saan lalagyan ito ng checkpoints at maging ng quarantine area.

-- Advertisement --

Kabilang dito ang mga lagusan sa mga barangay ng Nueva Bida, Bagontapay, Calunasan at Tibao Mlang Cotabato.

Naatasan ng LGU-M’lang na magbantay sa checkpoint ang mga pulis, barangay tanods at mga tauhan mula sa Municipal Veterinary Office ng bayan.

Bawal din muna pag ihaw ng baboy sa slaughterhouse, lalo na kung mula ang mga baboy na iihawin sa mga karatig na bayan.

Panawagan ngayon ni Mayor Abonado sa mga mamamayan ng bayan na tumulong sa pamamagitan ng pagpapaabot ng impormasyon sa binuong task force.

Ang hakbang ng LGU-Mlang at ni Mayor Abonado ay upang tiyakin na ASF free ang bayan ng Mlang.