LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na kabilang ang mismong kalihim ng Department of Agrictulture (DA) na si William Dar sa mga iniimbestigahan sa isyu ng korupsyon hinggil sa pag-import ng karneng baboy sa bansa.
Kasunod ito ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson sa umano’y ”tongpats” scheme kung saan may mga opisyal daw ng DA ang nakakatanggap ng P5 hanggang P7 sa bawat kilo ng karneng baboy na pumapasok sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC Chairman Greco Belgica, inihayag nitong nakausap na nila si Secretary Dar hinggil sa isyu kasama ang iba pang DA officials.
Nakipag-ugnayan na rin ang komisyon sa mga trader, stakeholders at Bureau of Customs, upang malaman kung saan napupunta ang mga pork products na pumapasok sa bansa at kung may anomalya nga sa distribusyon nito.
Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Belgica sa takbo ng imbestigasyon subalit tiniyak nitong papanagutin ang sinumang sangkot sa umano’y korapsyon sa pork import ng bansa.















