-- Advertisements --

Kasabay ng pagbuhos ngayong araw ng mga motorista sa mga tollways para magpakabit ng radio frequency identification (RFID) stickers, may paglilinaw naman ang Toll Regulatory Board (TRB).

Ayon kay Toll Regulatory Board Spokesperson Julius Corpuz, ang December 1 ay deadline lang umano sa mga toll operators kung handa na ba ang mga ito para sa cashless transaction.

Iginiit nitong hindi raw nila pagbabawalan ang mga motorista na gagamit ng expressways kahit hindi pa sila nakakapagpakabit ng RFID stickers ngayong araw.

Nilinaw din niyang wala raw huhuliing mga motoristang walang RFID.

Para naman sa mga hindi pa nakakapagpakabit ng RFID, sinabi ni Corpuz na halos lahat ng major toll plazas ay mayroong installation lanes.

Maliban dito, mayroon din umanong mga nag-i-install bago ang mga toll plaza.

Para naman sa mga motoristang nalilito pa rin sa paggamit ng Easytrip at Autosweep RFID, ang Easytrip RFID ay puwedeng gamitin sa North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Harbour Link, Cavitex at Cavite–Laguna Expressway (CALAX).

Ang autosweep RFID naman ay magagamit sa South Luzon Expressway (SLEX), Skyway, STAR Tollway, Ninoy Aquino International Airport Expressway (NAIAX) at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).

Dagdag ni Corpuz ang AutoSweep, ay puwede nang mabasa ng EasyTrip pero kailangan pa raw itong i-apply habang tinatrabaho na nila ang EasyTrip na puwedeng mabasa ng AutoSweep.