Umaasa si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ang susunod na uupong lider ng Kamara ay may paggalang sa aniya’y “real” minority.
Sa isang panayam, sinabi ni Tinio na papahintulutan din ng mahahalal na Speaker sa 18th Congress ang pagkakaroon ng sapat na oras para sa debate, upang magampanan daw ng real minority ang kanilang trabaho bilang tunay na fiscalizer sa mga polisiya ng pamahalaan.
Ayon kay Tinio, hindi kasama ang Makabayan bloc sa mga party-list na susuporta sa speakership bid ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ang kanila aniyang sinusuportahan ay ang kanilang kandidato na si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Ang pagtakbo aniya ni Zarate sa speakership race ay para ipakita ang kanilang “political point” na posibleng magkaroon ng isang kandidato na tunay na independent sa naka-upong presidente.