-- Advertisements --

Inireklamo ng TINDIG Pilipinas sina Senate President Alan Peter Cayetano, Sen. Robin Padilla, nasuspindeng Senate Seargent-at-Arms Mao Aplasca sa Office of the Ombudsman ngayong araw. 

Reklamong ‘obstruction of justice’ ang inihain ng grupo sa tanod-bayan kontra sa mga nabanggit na opisyal kaugnay sa umano’y kanilang naging papel nang takasan ni Sen. Bato Dela Rosa ang pag-aresto sa kanya sa loob ng Senado. 

Ayon sa grupo, ang paghahain ng reklamo ay kasunod sa pagkabahala umano ng publiko sa mga ulat nagsasabing posibleng kasabwat at tumulong ang mga opisyal para maisagawa ni Sen. Bato ang pagtakas sa kabila ng kinakaharap na ‘arrest warrant’ mula sa International Criminal Court. 

Ibinahagi ni Kiko Aquino Dee na layon ng reklamo na mapagtibay ang pangunahing demokratikong prinsipyo na walang sinuman ang nakatataas sa batas. 

Aniya’y ang pampublikong opisina o posisyon ay hindi dapat kailanman ginagamit bilang panangga kontra sa katarungan. 

Naniniwala siyang ang pagbibigay proteksyon sa kapartido at paggamit ng posisyon para maiwasan ang pananagutan ay maituturing pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Dagdag pa sa reklamong inihain sa Ombudsman, binigyang diin ng mga ‘complainants’ binubuo at katuwang ang ilang mga human rights advocates, pamilya ng mga biktima ng war on drugs, mga nasa akademiko at iba pa, na ang kaso ay hindi lamang patungkol sa iisang inidbidwal. 

Bagkus ito anila’y para madepensahan ang integridad ng mga pampublikong institusyon at matiyak na gumagalaw ang pananagutan nang hindi pinanghihimasukan ng pulitika. 

Kung kaya’t panawagan nila sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng ‘impartial investigation’ para maseguro ang pagpapanagot sa mga opisyal humahadlang sa proseso ng batas at pagkamit ng katarungan.