Tinambakan ng Oklahoma City Thunder ang Washington Wizards at ibinulsa ang ika-anim na panalo ngayong season, 127 – 108.
Ang defending champion ang unang team ngayong season na na makagawa ng anim na malinis na panalo, kasunod ng dominanteng panalo laban sa Washington.
Bumida muli sa panalo ng Thunder ang all-around point guard ng koponan na si Shai Gilgeous-Alexander na kumamada ng 31 points at pitong assists.
Nagawa ni Shai na ipasok ang anim na free throws mula sa anim na iginawad sa kaniya sa kabuuan ng laban.
Nagpakita rin ng impresibong opensa ang dalawang bench na sina Ajay Mitchell at Isaiah Joe na kapwa gumawa ng tig-20 points.
Sa dominanteng panalo ng Thunder, hawak nito ang lead sa pagtatapos ng bawat quarter, sa kabila ng pagpupumilit ng Wizards na maungusan ang 2025 NBA Champion. Naging malaking bentahe rin ng Thunder ang 30 free throws na iginawad ng mga referee para sa koponan, kung saan pinakamarami (6 points) ay nagawa ni Alexander.
Samantala, sa pagkatalo ng Wizards ay nalimitahan lamang sa 19 points ang shooter na si CJ McCollum habang anim na puntos lamang ang nagawa ng NBA champion na si Khris Middleton.
 
		 
			 
        















